Huwag kang makinig sa iba, makinig ka sa bulong ng iyong puso.

Huwag kang makinig sa iba, makinig ka sa bulong ng iyong puso.

Habang nagsusulat ako ng ‘blog post’ na ito, aaminin ko na medyo nahihirapan ako. Naisip ko na mula noon hanggang ngayon, mas madali pa rin talaga para sa akin ang magsulat ng essay o ‘sanaysay‘ (nag-Google translate na naman ako nian… haays naku naman…) sa wikang Ingles kaysa sa ‘Pilipino’ o ‘Tagalog’. Hindi naman ako bagsak noon sa subject na Filipino pero, sabihin na natin na mas mataas ang mga grado ko pagdating sa ‘English’. Hindi ako masaya sa katotohanan na yan at hindi ko pinagmamalaki na mas magaling akong mag -Ingles. Sa totoo nga, nahihiya ako dahil Pilipino ako pero kailangan ko pang gumamit ng Google Translate para sa sarili kong wika. Nakakahiya nga na ako mismong pinanganak sa Manila ay hindi masyadong bihasa sa pagsulat at pag-gamit ng wikang Tagalog. Pero gusto ko lang ipaalam sa lahat na meron akong ‘added bonus’ kahit papaano- nakakaintindi ako ng ‘Bisaya’. Hindi man ako nakakapagsalita ng Bisaya, nakakaintindi ako.

Minsan, naiiisip ko na hindi ko rin masisi ang sarili ko dahil mula noon pa man na bata pa ako at sa Pilipinas pa ako nakatira, mas binibigyan ng mga tao sa paligid ko, (isama na rin natin ang mga guro sa ating mga eskuwelahan) ng importansiya ang wikang Ingles kaysa sa Tagalog. Bakit nga ba ganun? Noon, mas uso pa ang Harry Potter na mga libro kesa sa mga Tagalog na libro. Naaalala ko rin na mas uso ang mga pop songs at pelikula galing sa ibang bansa at kung isipin talaga natin ng mabuti, parang madalas na nanliliit tayo sa mga bagay na sariling atin kesa piliin na suportahan ang mga ito.

Hindi ko rin masisi ang sarili ko dahil sa tagal na ng panahon na nakatira ako dito sa Inglatera, hindi ko na masyado nagagamit ang Tagalog. Bata pa ako ng lumipat ako dito kaya naman kahit papaano, masaya pa rin ako na kahit bihira ko na magamit ang Tagalog, naaalala ko pa rin ang lenguahe natin.

At natutuwa ako na kahit papaano. Nasimulan ko na magsulat ng mga Tagalog na blog posts sa website na ito. Mali mali man ang mga sinusulat ko at hindi man ako ganun kagaling sa pagsulat gamit ang wikang Tagalog, masaya naman ako na nagsimula na akong sumulat. Magsisilbi din itong praktis para sa akin; malay natin at baka maging bihasa na rin ako sa paglipas ng panahon. Nakakataba ng puso ang makapag sulat gamit ang wikang malaking parte ng buo kong pag katao.

Noon ko pa ito naisip gawin ngunit nagisip ko na malamang, marami na namang magiging kontrabida na pagtatawanan ako sa pagsulat ko ng mga blogs sa Tagalog pero, naisip ko rin na kung hindi ko ito simulan, isang taon na naman ang lilipas na mas inisip ko kung anong sasabihin ng iba kaysa sa kung anong binubulong ng aking puso.

Kung magpapatuloy akong makinig sa sasabihin ng iba, siguro hindi ko nasimulan ang website na ito. Pinagpatuloy ko siguro ang pagdadalawang isip, paghihintay, pag urong-sulong at wala na sigurong nangyari sa akin kung hindi pagsisisi. Magsisisi ako at sasabihin ko, ‘Ano kaya kung…’. Mahirap yun at pinaka mahigit sa lahat, masakit yun. Masakit ang bigla ka na lang magising ng isang araw na puro ka tanong sa sarili mo ng ‘Ano kaya kung…’. Mas mabuti na sumubok na lang tayo kahit ano man ang kalalabasan. Sabi nga nila, mas manghihinayang ka sa mga bagay na hindi mo ginawa, kaysa sa mga bagay na sinubok mo na gawin.

Kaya nga…

Huwag tayong makinig sa sasabihin ng iba… Makinig tayo sa bulong ng ating puso.

At dahil hindi ako makikinig sa sasabihin ng iba…

Nasimulan ko na ang…

‘ANG TALA’

Sana, ano man ang mangyari, magustuhan ninyo ang mga artikulong isusulat ko sa ‘ANG TALA’ dito sa website ko at sana tangkilikin niyo rin ang mga artikulo ko dito na isinulat ko gamit ang wikang Ingles.

Maraming salamat!

Follow:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *