THE TALA POSTS YOUTUBE VIDEOS

Log Out Muna…Pag May Time…

Log Out Muna…Pag May Time…

Ang bilis ng panahon. Mag da-dalawang dekada na rin ang lumipas simula ng mag Y2K. Naaalala ko pa nga yung Barbie na binili ni Papa sa akin bago mag bagong taon na pinangalanan kong ‘Millenia’. Parang kahapon lang na narinig ko lahat ng putukan sa labas ng bahay namin at yung aso naming si Lancelot na nanginginig sa takot dahil sa tunog ng mga paputok. At, sino bang makakalimot sa mga manghuhula na nagsabi na katapusan na raw ng mundo pagpasok ng taong 2000. Sabi ko na nga ba eh, hindi totoo yun! Nag-aksaya lang yung mga ‘Doomsday Preppers’ noon. Para akong binuhusan ng isang balde ng malamig na tubig nung naisip ko lahat yan nung Martes. Hindi ko na kinailangan ang mag ‘Bucket Challenge’- sobrang nanlamig na ako ng maisip ko yan lahat. Nagising ako sa katotohanan na magdadalawang dekada na pala ang lumipas…Parang kahapon lang…

Minsan naisip ko, sa sobrang bilis ng panahon, pakiramdam ko na nagagahol ako sa oras. Marami pa akong kailangan at gustong gawin pero parang bigla na lang nawala yung oras! Kase naman si ‘Life’- ‘always get’s in the way…’ at si ‘Time’ ‘flies so fast…’ Tabi tabi ka kase muna Life! Saka eto namang si ‘Time’- slow down naman! Kung pwede lang sana… Kung pwede lang natin pahabain ang oras, siguro ginawa na natin yan. Ang hirap kase pagsabay sabayin lahat ng mga bagay.

Ganun pa man, may napaka espesyal din sa katotohanan na kaunti lang ang oras natin dito sa mundo. Mapipilitan tayong gumising at umaksyon- hindi bukas- NGAYON! Ang oras kase natin dito, hindi siya parang cellphone data na pwedeng i-set sa unlimited or parang yung unlimited rice dun sa Mang Inasal (ewan ko kung unlimited rice pa rin ang offer dun). Ang oras, nag ti-tick tock yan kahit anong gawin natin. Magkulong ka man sa kwarto mo at maging hermit o magiiyak ka dian o mag scroll ka sa newsfeed mo sa Facebook hanggang puti na ang buhok mo, umiikot ang mundo at pag hindi ka sumabay sa gulong ng buhay, eh maiiwanan ka ng walang mangyayari sa buhay mo.

Naisip ko yan noong nakaraang taon. Binawasan ko ang pag-gamit ko ng social media. Nag focus ako sa mga ibang bagay na mas makakatulong sa pagbuti ng aking sarili. Sinimulan ko ng magsulat dito sa website na ito. Nag plano na akong bumisita sa ibang bansa, mag ehersisyo at kumain ng mas masustansiya na mga pagkain. Mas naisip ko na mas importante ang mga karanasan na tunay kaysa sa mga karanasan na sa screen lamang natin nakikita o napapanood. Napansin ko rin na wala ng hihigit pa sa panahon na kasama natin ang mga taong mahal natin sa buhay at sa panahon na napapabuti natin ang ating sarili. Marami tayong matututunan kung matuto lang tayo na ibaba ang mga cellphone at gadgets natin. Masarap ma experience ang totoo- hindi yung peke.

Aminin mo na… ilang oras ka kung gumamit ng Facebook at Instagram? Ilang oras ang ginugugol mo sa kaka kompara ng sarili mo sa iba? Ilang oras kang naghihintay na mag-like yung mga kaibigan mo sa Facebook sa post mo kaninang umaga?

Aminin mo… ilang beses ka ng nag enjoy ng sarili mo na hindi ka nag pakuha ng litrato? Ilang beses mo na ba mas inuna na kumuha ng litrato na para bang kailangan mo ng pruweba na nandun ka mismo sa momento na yun?

Ang dami na nating nasasayang na panahon kaya siguro ngayong bagong taon, mas maganda siguro na subukan din nating bawas bawasan yung pag-gamit natin ng social media. Hindi naman sa sinasabi ko na pagbawalan mo ang sarili mo sa pag-gamit ng Facebook habang buhay, pero baka mas maganda rin na subukan nating mag log out pag may time…para maranasan din natin yung mga tunay at mga importanteng bagay.

Follow:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *