THE TALA POSTS YOUTUBE VIDEOS

Muni Muni

Muni Muni

Pagdating ko sa bahay kahapon, umupo ako sa upuan sa sala. Tahimik sa bahay at mag isa akong nag muni muni. Tumingin ako at nakinig sa tiktok ng relo. Ang bilis ng panahon. Malapit na naman ang pasko. Bakit habang tinitingnan ko ang relo nang tahimik at mag isa, tila ba bumabagal ang takbo ng oras? Sadyang may mga bagay siguro na kung binibigyan ng pansin ay sadyang nagbabago.

Dahan dahan kong itinaas ang kamay ko na para bang sinusubukan kong abutin ang langit. Ang layo at hirap abutin nito. Hinding hindi ako tumikim ng sigarilyo, alak o droga. Madalas na maraming nagugulat kung malaman nila na wala akong bisyo. Sabi ng iba, alak, sigarilyo at droga ang ilan sa mga bagay na nakakatulong upang matikman mo ang langit dito sa lupa. Hindi ako naniniwala sa kanila. Ang langit para sa akin ay kung saan walang sakit o paghihirap. Para sa akin, ang langit ay mapayapa kung saan wala na sa atin ang masasaktan.

Pag tanaw ko sa bintana, nakita ko ang makakapal na ulap. Tinakpan nila ang araw. Makulimlim sa labas at madilim sa loob ng bahay. Madilim man ang aking paligid, unti unting lumiwanag ang aking puso. Minsan, maganda din na magtago tayo sa dilim. Kailangan natin dumaan sa dilim upang makita natin ang liwanag. Kailangan natin maramdaman ang lungkot upang maramdaman din natin ang ligaya.

Tumingin ako sa telebisyon na madalas na bida sa pag-ilaw sa sala pero hindi kahapon; hindi ko siya kinailangan. Umupo ako at huminga ako ng malalim. Diniin ko ang mga paa ko sa sahig at dahan dahan kong ginalaw ang mga daliri ng aking paa. Naalala kong bigla ang aking kabataan. Mga alaala doon sa may dagat sa kung saan malaya kaming tumakbo habang hawak ang saranggola. Naramdaman ko ang hangin na humaplos sa aking pisngi; lasang asin at nagpaalala na ako ay buhay at maganda ang mundo.

Iba na. Nagiba na ang mundo. Lahat ng bagay ay may katapusan. Kung alam ko lang lahat ng mga huling pagkakataon, hindi sana ako nagmadali sa aking buhay. Nais ko na pahabain ang oras. Ihinto ito sa mga especial na mga pagkakataon. Maari bang gawin iyon? Kontrolin ang oras? Maari ba nating ibalik ng paulit ulit ang panahon at oras kahit ito ay imposible? Maraming nagsasabi na walang imposible sa mundo ngunit kahit magdasal ako ng ilang milliong beses, upang maibalik ko ang kahapon, para sa chansa na itama lahat ng mga pagkakamali, hindi na natin maibabalik ang noon at walang kasiguraduhan ang bukas.

Iba na. Iba na rin ang mga tao. Ang mga taong akala mo ay hindi magbabago ay tuluyan ng nag iba. Ang mga taong inasahan mo ay bigla ng naglaho. Ang mga minahal mo ay may mahal ng iba. Ultimo pamilya mo ay nakalimot na sa iyo. Lahat ng kasama mong tumawa kahapon ay iniwan ka ng umiiyak. Nawala na ang tiwala mo sa iba. Ang pinakamasaklap nito, sa pinakita nilang pagbabago, sa gitna ng malalim mong pag mu muni muni, naalala mo lahat ng nasayang mong panahon kaiisip sa iba. Sa iisipin ng ibang tao. Sa dami ng ibang boses na iyong pinakinggan, nakalimutan mong makinig sa sarili mong boses na humihiyaw sa iyo; nagmamakaawa na bigyan mo ang sarili mo ng pansin. Sa lahat ng paghihirap mo. Sa lahat ng chansa na pinalampas mo dahil inuna mo ang iba, napabayaan mo ang iyong sarili.

Iba na. Iba na rin ako. Hindi na ako bingi sa bulong ng aking puso. Kung kaya ng iba na makalimot, kaya ko rin. Natuto akong maging mag isa. Ngayon, mas payapa at sinusubukan kong tanggapin na hindi pangako ang bukas.

Maaring huling araw ko na ngayon. Ito ay isang mapait na katotohanan. Kaya naman ako ay natuto at tinatanong ko ang aking sarili

‘Kung ito man ay huling araw ko na, payapa ba akong magpapaalam sa mundo?’ Marami ba akong pinagsisihan? May mga bagay ba na gusto kong gawin? Marami ba akong taong nasaktan? Ginawa ko ba ang lahat ng aking makakaya?

Tumingin ako sa salamin. Tiningnan ko ang aking sarili ng mga ilang minuto. Tiningnan ko ang sarili ko sa mga mata at huminga ako ng malalim. Natuto akong magpatawad; sa iba at lalo na sa aking sarili.

Malapit ng umuwi ang aking kasintahan. Hindi na ulit ako magiisa. Maya maya ay mararamdaman ko ng muli ang kaniyang yakap. Nagpapasalamat ako araw araw na natagpuan ko ang pagmamahal na pinapangarap ng marami sa mundong ito; ang mundo na walang kasiguraduhan. Sa kabila ng lahat ng aking naranasan, nahanap ko ang tunay na kabiyak ng aking puso. Nahanap ko ang pagmamahal na walang inaasahang kapalit. Sa mga panahon na ako ay pagod, siya ay naghihintay habang ako ay nagpapahinga. Maraming tao ang nangangarap makahanap ng pagmamahal na tulad ng ganito. Maraming tao na rin ang namatay na hindi man lang ito naranasan. Sa kabila ng lahat, buong puso akong nagpapasalamat na nabiyayaan ako ng pagmamahal na tulad nito.

Palad sa palad na nilagay ko ang aking mga kamay sa aking dib dib paghiga ko sa kama. Ipinikit ko ang aking mga mata. Naramdaman ko ang pagmamahal ng Dios. Walang kondisyon. Walang katapusan.

Follow:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *